Wala pang dapat ipagdiwang ang mga kritiko ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang inihayag ni Senador Antonio Trillanes the Fourth kasunod ng paghahain ng Wellness Leave ng punong mahistrado para makapagpahinga at mapaghandaan na rin ang napipintong pagdinig ng Senado sa impeachment complaint laban dito.
Ayon kay Trillanes, batay sa kanyang nakuhang impormasyon hindi magbibitiw sa tungkulin si Sereno at nagbakasyon lamang ito.
Samantala, iginiit naman ni Senate President Koko Pimentel na hindi dapat lagyan ng kulay ang pagbabakasyon ni Sereno dahil kabilang ito sa mga karapatan ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Aniya, mas mahalagang maging handa ang Senado na tanggapin at aksyunan ang Articles of impeachment laban kay Sereno sakaling maiakyat na ito.
Huwag na nating bigyan ng meaning yun basta ang importante ay kami sa Senado ay dapat ready kami whether we will proceed dyan sa impeachment, huwag na natin pakialam how a person uses her leave, basta entitlement nya iyon that means that is free for her”. pahayag ni Senate President Koko Pimentel.
Krista de Dios/ Cely Ortega-Bueno / RPE