Hinikayat ng Department of Health ang mga COVID-19 vaccination site sa bansa na ipagpatuloy ang kanilang operasyon kahit Semana Santa.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, maglalabas sila ng memorandum sa iba’t ibang DOH hospitals upang himukin ang mga ito na ituloy ang bakunahan sa Mahal na Araw.
Gayunman, nilinaw ni Cabotaje, na chairperson din ng National Vaccination Operations Center, naka-depende rin ito sa mga local government unit.
Samantala, umapela si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga lider ng simbahan na iwasan muna ang mga aktibidad na maaaring makapagpataas ng banta ng hawaan ng COVID-19.
Ito ang panawagan ni Vergeire matapos payagan muli ang tradisyunal na “pahalik” para sa mga deboto ng poong Itim na Nazareno sa Quaipo Church.