Unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, nakapagtala lamang ng 45 na bagong kaso ngayong araw dahilan para umakyat sa 29,476 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus kung saan ay 1,192 rito ang aktibong kaso.
Gayunman, ipinagmalaki ni Eleazar ang patuloy namang pagtaas ng bilang ng mga gumagaling sa sakit kung saan ay nakapagtala sila ng 103 bagong gumaling ngayong araw, dahilan upang umakyat sa 28,205 total recoveries.
Binigyang diin ng PNP Chief, malaki ang naitulong sa kanila ng pagbabakuna kontra COVID-19 dahil dumarami na ang bilang ng mga protektado matapos silang makatanggap ng kanilang bakuna.
Batay sa datos ng PNP, nasa mahigit 31 porsyento na ng kanilang hanay o katumbas ng 68,372 ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna habang nasa 22,938 naman ang bakunado na ng ikalawang dose. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 7)