Hinikayat ng Pamahalaang lungsod ng San Juan ang mga magulang na iparehistro na ang kanilang mga anak na may edad 5 hanggang 11 para mabakunahan kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora kasabay ng pagtanggap nito ng booster shot kontra sa virus sa gitna ng banta ng Omicron variant.
Sa unang araw pa lamang ng vaccine registration para sa pediatric category, sinabi ng Alkalde na umabot na agad sa mahigit isang libo ang nagpatala at inaasahan pa nilang darami pa ito sa mga susunod na araw.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Zamora sa resolusyon ng Metro Manila Council na higpitan muna ang galaw ng mga hindi pa bakunado gayundin ang pagsasailalim sa kanila sa RT-PCR test para sa kanilang trabaho.
Giit ni Zamora, bagama’t kailangang tingnan ang kapakanan ng mga bakunado para mabalanse ang takbo ng ekonomiya at kaligtasan, mas dapat tutukan ang mga hindi pa bakunado dahil sila ang mas bantad sakaling tamaan ng mas mabagsik na variant ng COVID-19. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)