Sisimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabakuna maging sa mga tinatawag na dependents ng mga Pulis kabilang na ang mga batang may edad 12 hanggang 17 anyos.
Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force o ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz, ito’y matapos ang self imposed deadline ng PNP para tapusin ang bakunahan sa kanilang hanay nuong Oktubre a-31.
Dahil dito, maaari nang mabakunahan ang pamilya ng mga pulis bilang dependents lalo na kung hindi pa sila kabilang sa mga nabakunahan sa iba’t ibang lokalidad kung saan sila nakatira.
Mula sa kabuuang 224,02 magigiting na pwersa ng PNP ay nasa 2,884 o katumbas ng mahigit isang porsyento na lamang ng kanilang hanay ang hindi pa nababakunahan kung saan ay 895 sa mga ito ay may valid na dahilan.
Kahit tapos na ang self imposed deadline sa pagbabakuna sa hanay ng PNP, sinabi ni Vera Cruz na tinatapos na lang ng PNP ang pagbabakuna sa mga naghihintay ng kanilang second dose bago sila tumulak sa pagbabakuna naman sa kani-kanilang mga dependent.