Hinikayat ng National Task Force against COVID-19 ang mga lokal na pamahalaan na unahin nang bigyan ng second dose ng bakuna ang mga indibidwal na nakatanggap na ng kanilang first dose ng Sinovac vaccine.
Ito’y matapos ihayag ng Chinese manufacturer na maaantala ang susunod na pagpapadala ng naturang bakuna sa Pilipinas.
Ayon kay Secretary Vince Dizon, naurong sa Hulyo 18 ang susunod na delivery ng Sinovac, gayunman ginagawan pa rin aniya ng paraan ni Secretary Carlito Galvez Jr. na maipadala na ito sa susunod na linggo.
Dahil aniya sa mga hindi inaasahang pagkaantala ng pagdating ng mga bakuna sa bansa, mas makakabuti kung bibigyan nang prayoridad ang pagbibigay ng bakuna sa mga indibidwal na naghihintay na lang ng kanilang second dose.