Sinimulan na ang pagtuturok ng Astrazeneca COVID-19 vaccine sa mga empleyado ng Lung Center Hospital at Tala Hospital ngayong araw ng Miyerkules, Marso 10.
Ayon kay Tala Hospital Medical Center Chief II Dr. Alfonso Famaran, ito ang kauna-unahang pagbabakuna ng Astrazeneca COVID-19 vaccine sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital o Tala Hospital sa Caloocan City.
Aniya, 647 mula sa 1,911 ang mga empleyado ng ospital na nabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccine at ang mga natira ay magpapabakuna ng bakunang likha ng AstraZeneca.
Kasabay ng Tala Hospital, umusad na rin ang pagbabakuna ng Astrazeneca COVID-19 vaccine sa Lung Center of the Philippines (LCP) kung saan may nasa 500 doses ang suplay nito ng naturang bakuna.
Samantala, inaasahan namang darating sa bansa ang 117,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines.—sa panulat ni Agustina Nolasco