Dapat paghandaan ng mga local government units (LGU) ang nakatakdang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga kabataang may edad lima hanggang labing isa.
Ito ang inihayag ni Senator Win Gatchalian matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Pfizer Biontech COVID-19 vaccine para bakunahan ang mga kabataan sa nasabing age group.
Binigyang diin pa ni Gatchalian na kailangan na mabakunahan ang mga bata upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa muling pagbabalik ng face to face classes sa bansa.
Aniya, kung marami ang mababakunahan mas tataas ang kumpiyansa ng mga magulang na ligtas ang kanilang mga anak sa pagpasok sa mga paaralan.
Kaugnay nit, hinimok rin ni Gatchalian ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na tulungan ang mga LGU sa pagbabakuna sa mga kabataan na nasalanta ng bagyong Odette.