Pinatitiyak ng mga senador sa pamahalaan na matuturukan ng COVID-19 vaccine ang mga indibidwal o sektor na kabilang sa prayridad na mabigyan ng bakuna kasabay ng pag-arangkada ng vaccination program ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Joel Villanueva na sana’y hindi maging ‘symbolic’ lamang ang naganap na bakunahan sa iba’t-ibang mga ospital sa bansa.
Ani Villanueva, sana’y ito na ang hudyat para maituring na naipapanalo na natin ang laban kontra COVID-19.
Dagdag pa ni Villanueva, sa ganitong pamamaraan ay mabibigyang parangal at pagkilala ang mga naiambag ng mga medical frontliners sa nagpapatuloy na banta dulot ng virus.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Senadora Grace Poe na dapat ding tutukan ng pamahalaan ang iba pang mga kabilang sa priority list gaya ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan at iba pang nasa sektor ng transportasyon.
Paliwanag ni Poe, ito’y dahil sa hindi matatawarang serbisyo ng mga transportation workers lalo na noong kasagsagan ng umiiral ang mahigpit na quarantine status.
Sa panig naman ni Senadora Imee Marcos, sinabi nito na ang hamon na lang sa pamahalaan ay kung papaano nito mahihikayat ang mas maraming Pilipino na magpabakuna.
Mungkahi ni Marcos ay makipag-ugnayan ang pamahalaan sa showbiz industry para mapalakas ang information drive na ginagawa ng pamahalaan.