Posibleng maging pahirapan ang pagbalik sa bansa ni CPP Founder Jose Maria Sison para muling maisulong ang usapang pangkapayapaan.
Ayon ito kay NDF Negotiating Panel Spokesman Fidel Agcaoili matapos isama ng Amerika sa kanilang terror list ang CPP-NPA.
Sinabi ni Agcaoili na kailangang matiyak na walang magiging hadlang sa pag-uwi ng Pilipinas ni Sison para hindi magka-problema ang negosasyon.
Malaki aniyang problema ang pagkakasama ng CPP NPA sa terror list ng Amerika dahil posibleng arestuhin si Sison sa mga dayuhang paliparan kung saan magla-landing ang sasakyan nitong eroplano pabalik ng Pilipinas.
Wala aniyang direct flight mula sa Holland sa The Netherlands patungong Pilipinas at kailangan pang bumiyahe ni Sison sa pamamagitan ng isang international airport sa Taipei.
Dureza
Dumistansya si incoming Presidential Adviser on the Peace Process Chair Jesus Dureza sa pagkakasali ng CPP NPA sa terror list ng Amerika.
Ayon kay Dureza, hindi niya batid ang nasabing hakbang ng Amerika na aniya’y hindi naman magiging hadlang sa pakikipag negosasyon sa CPP NPA NDF.
Muling tiniyak ni Dureza ang pagsusulong pa rin ng peacetalks sa grupo ni Joma Sison at iba pang rebeldeng grupo.
By Judith Larino