Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang pagbabalik ng “buy Filipino provision sa pambansang budget, matapos ang umano’y malaking kinita ng mga sangkot sa pagbili ng mahal na medical supplies sa China.
Sinabi ni Recto na kaya naman palang gumawa ng may kalidad at mas murang PPE’s, face shields at face mask ng mga Pilipino kaya’t hindi na kailangang bumili pa sa ibang bansa.
Binigyang diin ni Recto na sa ilalim ng Marcos at Aquino administration ay palaging may probisyon ng buy Filipino rule sa General Appropriations Act na nawala sa 2014 budget.
Noon anya ay mandated ang gobyerno na i-prioritize ang pagbili ng mga produktong gawa sa pilipinas upang matulungan ang local manufacturers na makapagpatuloy sa kanilang operasyon at makapagpa suweldo sa kanilang mga manggagawa kaya’t dapat ibalik na ang buy Filipino provision sa national budget.
Iginiit ni Recto na kung noong wala pang COVID ay mayroon buy Filipino policy, mas kailangan anya ito ngayong naghihingalo ang mga lokal na kumpanya para manatili silang bukas at hindi magtatanggal ng mga manggagawa. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)