Nangangamba ang Commission on Human Rights (CHR) na lalong lumala ang estado ng karapatang pantao kapag muling naibalik ang parusang bitay sa bansa.
Ayon kay CHR Commissioner Karen Dumpit, hindi maaaring ibalik ng pilipinas ang death penalty dahil signatory ito sa United Nations agreement kung saan, nangangako itong hindi na ibabalik pa ang parusang bitay kailanman.
Una nang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na madali nang makalulusot ang death penalty bill dahil sa pagpasok ng marami sa mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado at Kamara.
Giit pa ni Dumpit, ang bitay ay malinaw din aniyang paglabag sa karapatang pantao at walang sinuman ang nanaising mahatulan nito at pinatunayan iyan ng 2018 SWS survey kung saan, marami ang tutol na ibalik ang death penalty sa bansa.
Una nang nagpahayag ng suporta ang pambansang pulisya hinggil sa panukalang muling buhayin ang parusang bitay para lamang sa mabibigat na krimen gayundin ay kung mayruong kinalaman sa iligal na droga.
Bagay na tinutulan din ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sabay apela sa mga nagwaging kandidato na huwag magpa-alipin sa dikta ni Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi pagsilbihan ng tapat ang taumbayan