Kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day sa November 30, nanawagan ang grupo ng mga guro sa Department of Education na ibalik agad ang pagtuturo ng Philippine History sa high school curriculum.
Inihayag ng Teachers Dignity Coalition (TDC) na ang desisyon na tanggalin ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas sa High School ay malinaw na hindi pagkilala ng deped sa ating mga ninunong nag-alay ng buhay para sa kalayaan.
Ayon kay TDC National Chairman Benjo Basas, sa halip na iwasto, mas pinili pa ng kasalukuyang administrasyon ng kagawaran na panindigan ang kamalian nito.
Dati anyang bahagi ng secondary curriculum ang Philippine History at itinuturo mula unang taon hanggang alisin ito bilang subject noong 2014 matapos ang introduksyon ng K to 12.
Inihain ng TDC ang panukala ng kanilang grupo kay education Secretary Leonor Briones noong 2017 at patuloy itong isinusulong.
Samantala, nagdaraos naman ang grupo ng mga serye ng lectures na kumikilala sa kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio. —sa panulat ni Drew Nacino