Umaasa ang mga negosyanteng Filipino-Chinese na makababawi at makababangon muli ang sektor ng turismo sa inaasahang pagbabalik ng mga Chinese tourist sa bansa sa susunod na taon.
Ito’y sa kabila ng pinaka-matindi umanong COVID-19 surge na nararanasan sa China.
Ayon sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, makatutulong ang pagdagsa ng mga turista mula sa China sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 6.5% hanggang 7.5%.
Mas naka-e-engganyo rin anila ang pasya ng China na itigil na ang mandatory quarantines sa inbound travellers na nangangahulugang hindi na kailangang sumailalim sa quarantine ng ilang araw ang mga bibisita at umuuwi ng China.
Sa datos ng Department of Tourism simula nang magbukas muli ang Pilipinas para sa foreign tourists noong Pebrero, aabot sa 1.65-M ang tourist arrivals hanggang nitong Disyembre 1.
Gayunman, nasa 33,000 Chinese lamang ang naitala ngayong taon kumpara sa 1.74-M noong 2019 o bago ang COVID-19 pandemic.