Tiwala ang Malakaniyang na gagawin ng pambansang pulisya ang mandato nito sa ilalim ng batas kaugnay sa pagpapatupad ng operasyon nito laban sa iligal na droga.
Ito ang reaksyon ng Palasyo kasunod ng anunsyo ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa na pagbabalik ng Oplan Tokhang na sisimulan muli ngayong buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, batid ng PNP ang mga umiiral na proseso sa pagpapatupad ng batas at umaasa siyang tatalima ito sa itinatadhana ng mga polisiya ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency bilang siyang nangunguna rito.