Tiniyak ng Department Of Energy (DOE) na hindi aabutin ng pasko ang nararanasang kawalan ng suplay ng kuryente sa malaking bahagi ng Bicol region dahil sa paghagupit ng bagyong Rolly.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, hindi pa nila matukoy ang kabuuang pinsalang idinulot ng super bagyo sa energy sector sa buong Bicol.
Dahil dito, wala pa rin silang pagtaya kung kailan tuluyang maibabalik ang suplay ng kuryente sa nabanggit na rehiyon.
Gayunman, iginiit ni Cusi na hindi nila hahayaang magdusa ang mga tiga-Bicol region dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente lalu na sa darating na pasko.
Sinabi ni Cusi, sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 1-M mga customers ng mga electric cooperative sa Bicol ang wala pang kuryente.