Posibleng abutin nang dalawa hanggang tatlong araw bago tuluyang maibalik ang serbisyo ng mga telecommunications company sa ilang mga lugar na matinding hinagupit ng bagyong Ompong.
Sa pulong balitaan sa Tuguegarao Cagayan, tiniyak ni National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba, tuloy-tuloy lamang ang ginagawang pagre-restore ng mga telecom companies sa kani-kanilang signal sa mga nabanggit na lugar.
Ilan aniya sa dahilan ng pagkawala ng signal ay ang mga natumbang poste at mga naputol na fiber optic at copper cable dahil sa hagupit ng bagyong Ompong.
Dagdag ni Cordoba, nagkaloob na ng mga libreng tawag ang pamahalaan sa mga residente ng Tuguegarao, Solana, Abulug, Santa Praxedes at Amulong sa Cagayan habang meron na ring inilagay na mga charging stations.
Samantala, naglagay na rin ng mga libreng tawag stations ang Smart Communications at Globe Telecom sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Ompong.
Sa abiso ng Smart Communications, may inilagay na silang ilang libreng tawag stations sa mga lalawigan ng Abra, Aurora, Baguio City, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, La Union , Nueva Vizcaya, Pangasinan.
Habang meron namang libreng tawag stations ang Globe Telecom sa ilang lugar sa Cagayan at kapitolyo ng Ilocos Norte.
—-