Mahigpit na babantayan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang muling pagbabalik ng Oplan Tokhang ng Pambansang Pulisya na magsisimula ngayong araw.
Ayon kay DILG Officer-in-Charge Usec. Eduardo Año, dapat aniyang sundin ng mga pulis ang ipinalabas na bagong mga panuntunan o guidelines ng PNP sa muling pagbabalik ng Oplan Tokhang.
Nais ding makatiyak ni Año na siya ring tumatayo bilang chairman ng NAPOLCOM o National Police Commission na walang malalabag na karapatang pantao ang mga pulis na magkakasa ng mga operasyon kontra iligal na droga.
Kasunod nito, muling nanawagan naman ang CBCP o ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pulisya na patuloy na igalang ang buhay ng tao.
Ayon kay CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles, hindi na dapat maulit pa ang bangungot ng dating Oplan Tokhang kung saan, maraming buhay ang nalagas.
Maiiwasan aniya ang pagkasayang ng buhay kung mahigpit lamang susundin ng PNP ang mga SOP o standard operating procedures gayundin ang inilabas nitong mga panuntunan o guidelines para matiyak na daraan sa tamang proseso ng batas ang mga mahuhuling drug suspects.
—-