Posibleng matagalan pa bago magbukas ang operasyon ng LRT-2.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, spokesman ng Light Rail Transit Authority (LRTA), marami pa silang dapat alamin sa imbestigasyon bago mapalitan ang dalawang rectifier na nasunog.
Ang rectifier ang kumokontrol sa daloy ng 1,500 volts ng kuryente na nagpapatakbo sa mga tren.
Sinabi ni Cabrera na imported ang mga kailangang spare parts upang mapalitan ang mga nasirang rectifier kaya’t mangangailangan ito ng panahon.
Nais sana anya ng LRTA na magpatupad ng partial operation man lang subalit naging komplikado ang sitwasyon matapos makulong sa pagitan ng dalawang nasunog na rectifier ang pitong tren.
Kasi po, nakulong po ‘yong pitong tren doon sa area between Recto hanggang Anonas, ang problema po natin, ‘yung maintenance facilities po natin ay nandoon po sa depot sa Santolan which hindi naman po sila makakatawid doon sa affected na area sa may Katipunan; pangalawa po, somehow, naapektuhan din po ‘yung signaling system natin, ito po ‘yung computerized system natin na siyang nagcocontrol sa speed at safe distance ng ating mga tren,” ani Cabrera. — sa panayam ng Balitang Todong Lakas