Muling inihirit ng mga transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagbabalik sa P7.50 minimum fare o pasahe sa mga jeepney.
Sa dalawang pahinang mosyong inihain ng mga grupong FEJODAP, ALTODAP at ACTO, mahigit P6 na ang itinaas ng presyo sa kada litro ng krudo makaraang ipako sa P7 ang pasahe sa jeepney noong Enero.
Ayon kay ACTO President Efren de Luna, nabawasan ng halos P180 ang kita ng mga tsuper sa maghapon nilang biyahe batay sa kasalukuyang halaga ng krudo na nasa P26.35.
Pansamantala lamang aniya ang hirit nilang umento sa pamasahe para maitawid ang gastusin ng mga tsuper lalo’t panahon ng enrolment at nalalapit na rin ang muling pagbubukas ng klase.
By Jaymark Dagala