Naniniwala ang Malakanyang na makakatulong ng malaki ang pagbabalik sa bansa ni Ralph Trangia para makamit ng pamilya Castillo ang hustisya sa pagkamatay ni Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na umaasa ang Palasyo na malilinawan na kung sinu-sino sa mga miyembro ng Aegis Juris fraternity ang dapat managot sa pagkamatay ni Atio.
Una nang tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterete sa pamilya Castillo na makakamit nila ang hustisya sa napaslang na anak.
Si Trangia ay dumating sa bansa kaninang 11:41 ng umaga kasama ang kanyang ina matapos na magtungo ng Estados Unidos isang araw bago maipasama sa look out bulletin ng Bureau of Immigration o BI.