Palalakasin pa ng Pamahalaan ang pagbibigay seguridad sa mga lokal at dayuhang turista sa bansa sa ilalim ng programang Tourist Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP).
Lunes ng umaga, lumagda sa kasunduan sina PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde at Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat ng isang Memorandum of Understanding (MOU) sa isang simpleng seremonya sa Kampo Crame.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, magtatatag ng isang Tourism Security Force ang PNP salig sa Section 100 ng Tourism Act of 2009 para tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa mga lugar kung saan madalas dumaragsa ang mga turista.
Ayon kay Albayalde, aabot sa 4,600 Tourist Police ang kanilang sinanay kung saan 3,500 sa mga ito ang nasa ikalawang yugto na ng pagsasanay at maaari nang tumugon sa tawag ng kanilang tungkulin.
Patuloy din ang pagtatayo ng PNP ng mga Tourist Assistance Centers at desks sa mga istratehikong lugar sa buong bansa na bahagi ng kanilang mandato sa ilalim ng batas.
Sa kaniyang panig, naniniwala naman si Secretary Romulo – Puyat na lalong lalakas ang sektor ng turismo kung makatitiyak ang mga turista na ligtas ang mga pupuntahan nilang lugar mula sa masasamang elemento at mapagsamantala.