Mas malaking hamon para sa Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) kumpara sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Lt. General Guillermo Eleazar, hepe ng Joint Task Force COVID, mas marami na kasi ang authorized na lumabas sa ilalim ng GCQ dahil pwede nang pumasok sa trabaho at pinayagan na rin ang pagbubukas ng transportasyon bagamat kailangan pa ring sundin ang social distancing.
Dahil dito, pinag-aaralan na anya nila kung mas kailangang dagdagan ang puwersa na magbabantay sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Magdadagdag pa rin po kami ng ibang kaparaanan para mas maging effective at mas ma-monitor natin kung mayroon nagva-violate nitong community quarantine program natin,” ani Eleazar.
Samantala, ipinaliwanag ni Eleazar na kinikilala naman sa checkpoints ang regular na I.D. ng mga manggagawa sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at kukunan pa rin sila ng temperatura sa mga checkpoints.
Gayunman, mas mapapabilis anya ang daloy sa mga checkpoints kung mayroon silang Inter-Agency Task Force (IATF) I.D. at lalo na kung mayroong rapid pass.
Ayon kay Eleazar, posibleng maging bahagi na rin ng new normal ang rapid pass kahit pa matapos ang ECQ sa May 15.
Mas mabilis kung ikaw ay may pass… Ngayon po, sa Metro Manila pa lang or sa NCR mayroong mga scanners pero eventually, ito po ay gagamitin pati po sa ibang lugar dito po sa ating bansa,” ani Eleazar. —sa panayam ng Ratsada Balita