Pinanindigan ng Department of Justice ang ginawa nitong pagbasura sa mga reklamong murder laban sa 17 pulis na isinangkot sa pagpatay sa isang mag-asawa sa Batangas na binansagang “Bloody Sunday.”
Sa isang resolusyon, ibinasura ng DOJ panel of prosecutors ang motion for reconsideration na inihain ni Rosenda Lemita dahil sa kakulangan ng merito.
Ang anak ni Lemita na si Ana Mariz “Chai” Lemita-Evangelista at mister na si Ariel Evangelista ay napatay sa loob ng isang cottage sa Nasugbu, Batangas sa ikinasang sabay-sabay na pagsisilbi ng ‘search warrants’ ng mga awtoridad sa Batangas, Cavite, Rizal at Laguna kung saan umabot sa siyam na mga aktibista ang nasawi noong March 7, 2021.
Ayon sa mga pulis, nanlaban ang mag-asawa kaya’t napilitan silang gumanti na ikinamatay ng mga ito.
Subalit nakita umano ng sampung taong gulang na anak ng mag-asawang Evangelista na kinaladkad ang mga ito patungo sa isang bahay at nakarinig na lang ito ng sunod-sunod na putok ng baril.
Gayunman, ipinaliwanag ng DOJ na walang nangyaring ‘conspiracy’ dahil hindi naman na-establish kung sino ang bumaril sa mag-asawa habang hindi naman nagtugma ang bala ng baril na nakita sa bangkay ng mag-asawa sa inisyu na armas sa mga pulis.