Inabisuhan na ng Dumaguete City Government ang mga magulang na tiyaking mananatili sa bahay ang kanilang mga anak upang maiwasan ang COVID-19 lalo’t may banta ng mas nakahahawang delta variant.
Ayon kay City Executive Assistant for security concerns, Retired Police Gen. Rey Lyndon Lawas, bukod sa mga edad 17 pababa, ipinagbabawal ding lumabas ang mga senior citizen na edad 66 pataas.
Dismayado naman si Lawas sa patuloy na paglabag ng mga residente sa ilang health protocols.
Mayroon na anyang dalawang team ng health marshals ang nag-iikot sa lungsod kada araw upang matiyak na susunod ang mga kabataan at senior citizen.
Kabilang ang Dumaguete at lalawigan ng Negros Oriental sa mga isinailalim sa General Community Quarantine with heightened restrictions simula Agosto 1 hanggang 15. —sa panulat ni Drew Nacino