Ipinanawagan na ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List Rep. France Castro kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang ipagbawal ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa kabila ito ng pahayag ng pangulo na mas magandang hindi na ipagpatuloy ang operasyon ng pogo dahil sa mga krimen at pagiging salot umano nito sa lipunan.
Bukod anya sa banta sa seguridad dahil sa paglipana ng mga POGO at paglaganap ng prostitusyon at sugal, napakaliit lamang ng nakukuhang buwis ng gobyerno mula sa mga POGO.
Sinabi rin ng kongresista na bukod sa pagsuway ng mga POGO sa mga batas sa kanilang bansa na nagbabawal sa pagsusugal, ay sinusuway din ng mga ito ang batas ng Pilipinas dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis. – sa panulat ni Hannah Oledan