Isinapormal na ng Commission on Elections ang pagbabawal sa distribusyon ng financial at iba pang uri ng assistance, sampung araw bago ang may 12 midterm elections.
Saklaw ng resolusyon ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged o Displaced Workers o ang TUPAD program ng Department of Labor and Employment, at mga programa ng Department of Social Welfare and Development kabilang na ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon sa COMELEC, sa nasabing panahon ay maituturing na vote-buying ang anumang pagbibigay ng tulong ng mga kasalukuyang opisyal at kanilang asawa o miyembro ng pamilya.
Tanging medical at burial assistance lamang ang hindi sakop ng ayuda ban.
Sa kaparehong resolusyon, ipinagbawal din ng poll body ang pagdadala ng cash na lalagpas sa kalahating milyong piso o katumbas nito sa foreign currency, dalawang araw bago ang eleksyon.
Una nang sinabi ni COMELEC Commissioner Ernesto Maceda na palalawigin ng ahensya ang ayuda ban sa gitna ng mga ulat na ginagamit ito sa pangangampanya o pamumulitika. – Sa panulat ni Laica Cuevas