Pina-alalahanan ng Department of Education ang kanilang mga field official at school head na mahigpit na ipatupad ang polisiya sa pagbabawal sa pagpasok ng mga armadong tao sa mga paaralan.
Ito ang binigyang-diin ng DepEd matapos makita sa social media ang larawan ng mga armadong pulis sa longos elementary school sa Alaminos City, Pangasinan sa unang araw ng limited face-to-face classes.
Pawang may bitbit na M-16 rifles ang mga pulis nang pumasok sa isang classroom bagay na pinuna ng netizens na anila’y paglabag sa national policy framework on learners and schools as zones of peace ng DepEd.
Nilinaw ng kagawaran na ang mga pulis ay bahagi ng security detail ng isang local government official na bumisita sa eskwelahan.
Gayunman, itinanggi ni Alaminos City Mayor Bryan Celeste na bahagi ito ng kanyang security detail sa halip ay itinuro ang pamunuan ng paaralan na siyang humiling ng security team mula sa Alaminos City Police.
Kahapon nagsimula ang pilot implementation ng limited face to face classes sa isandaang public schools sa mga lugar na nasa “low risk” sa Covid-19. —sa panulat ni Drew Nacino