Tahasang binatikos ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang tila ginagawang pag-e-eksperimento ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.
Ito’y makaraang unang ipatupad ng pagbabawas sa distansya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan na kalauna’y binawi rin matapos ang naging pulong ng IATF.
Ayon kay LCSP Convenor Atty. Ariel Inton, lubhang napakadelikado ang ginagawang eksperimento ng DOTr dahil buhay aniya ng mga pasahero at tsuper ang nakataya rito.
Mismong ang Department of Health (DOH) na ang nagsabi na posibleng umabot sa 300 hanggang 1,000 ang posibleng madagdag sa naitatalang kaso araw-araw kung ipagpapatuloy ang nasabing kautusan.
Kasunod nito, nagpasalamat naman si Inton dahil tila natauhan din ang DOTr sa naunang pasya nito matapos bawiin at ipaubaya na lang kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasya.