Ipinatitigil ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., ang pagbabayad ng P7.5 million na blood money sa pamilya ng pinaslang na OFW sa Kuwait na si Jeanelyn Villavende.
Sa Twitter post ni Locsin, kanyang inatasan si Philippine Ambassador to Kuwait Noordin Pendosina Lomondot na i-report ang lahat ng nagaganap sa naturang bansa kaugnay sa usapin.
Gayundin ng mga ginawa nitong hakbang upang mapigil ang pagbabayad ng blood money at matiyak na maipatutupad ang parusang kamatayan sa dating amo ni Villavende.
Iginiit ni Locsin, na kinakailangang may managot sakaling mapatunayang nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng pamahalaan para maitulak ang desisyon ng Kuwaiti court.
Disyembre ng nakaraang taon nang hatulan ng korte sa Kuwait ng parusang bitay ang babaeng amo ni Villavende habang apat na taong pagkakakulong naman sa lalaking amo nito.
2019 nang masawi si Villavende matapos na ilang araw na pahirapan at ikulong ng kanyang mga amo.