Humihingi ng karagdagang panahon ang Saudi Arabia sa gobyerno ng Pilipinas upang maplantsa ang mga detalye ng pagbabayad sa naunsyaming sweldo ng mga Overseas Filipino Worker.
Kinumpirma ni DMW secretary Toots Ople na bibiyahe sana ang ilang opisyal ng Department of Migrant Workers sa Saudi noong Disyembre pero hiniling ng Saudi Ministry of Human Resources and Social Development na ipagpaliban ang pulong.
Ito, ayon kay Ople, ay dahil nilinaw ng nasabing Saudi Government Agency na hindi sila ang responsable sa pag-proseso ng unpaid claims.
Nais anila ng Saudi Ministry of Human Resources na maglaan pa ng karagdagang panahon para sa ilang detalye nang sa gayo’y kanyang makausap ang tamang opisyal o tao sa tanggapan ni Saudi Crowned Prince Mohammed Bin Salman.
Batay sa datos ng DMW, nasa 10,000 filipino workers ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang sahod na aabot sa kabuuang P29.2B nang magkatanggalan sa trabaho matapos sumadsad sa economic crisis ang saudi arabia noong 2015.