Nakiisa si Sen. Risa Hontiveros na panawagang siyasatin ang malagim na pagbagsak ng C-130 Hercules aircraft ng Philippine Air Force sa Patikul, Sulu noong araw ng Linggo.
Ayon sa Senadora, hindi kailangang patagalin pa ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong at benepisyo sa lahat ng mga nasawi gayundin sa mga sugatang sundalo.
Sinegundahan naman ito ni Sen. Grace Poe na nagsabing dapat bigyan din ng pagkilala ang mga sundalong nag-alay ng kanilang sariling buhay upang maihatid lang ang serbisyo ng pamahalaan sa mga kababayang nasa liblib na lugar.
Sa panig naman ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, maliban sa mga benepisyo ay tutulong din si Pangulong Rodrigo Duterte sa iba pang pangangailangan ng mga pamilya ng nasawing mga sundalo.
Bilang isang reservist ng hukbong sandatahan, nangako naman si Sen. Manny Pacquiao ng P50,000 para sa pamilya ng mga nasawing sundalo habang nasa P20,000 naman sa mga sugatan.