Nanawagan ang Department of National Defense sa publiko na iwasang magpakalat ng ispekulasyon o haka-haka hinggil sa malagim na pagbagsak ng C130 plane ng Philippine Air Force sa Sulu kahapon.
Ito’y makaraang kumalat sa social media na kaya umano nangyari ang insidente ay dahil sa depektibo ang mga kagamitang binibili ng Armed Forces of the Philippines o AFP para sa kanilang mga tauhan.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa malagim na pangyayari kaya’t maituturing na kawalang pag galang sa mga miyembro ng Air Force gayundin sa kanilang pamilya kung isisingit ang mga ganitong walang batayang usapin.
Hindi aniya ito ang panahon para haluan ng intriga ang nangyari lalo’t marami sa pamilya ng mga tauhan ng Militar ang nagluluksa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.— ulat muyla kay Jaymark Dagala (Patrol 9)