Binalaan ng Philippine Space Agency (PHILSA) ang publiko sa posibleng pagbagsak ng mga debris mula sa chinese rocket na Long March 7A na ini-launch, kahapon, oras sa Pilipinas.
Ayon sa PHILSA, posibleng bumagsak sa dalawang identified “drop zones” sa Pilipinas ang ilang bahagi ng space rocket na pinalipad mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan Island.
Kabilang sa binalaan ang mga mangingisda, sasakyang pandagat at panghimpapawid sa Burgos, Ilocos Norte at Sta. Ana at bahagi ng Babuyan Islands sa Cagayan, na kapwa tinukoy na drop areas ng mga debris.
Bago pa man i-launch ang Long March 7A rocket, na magdadala ng commercial satellite sa kalawakan, nag-issue na ang Civil Aviation Administration of China ng Notice to Airmen dahil sa “aerospace flight activity.”
Agad namang nakipag-ugnayan ang PHILSA sa Civil Aviation Authority of the Philippines upang matukoy ang mga lugar na babagsakan ng mga rocket debris, na posibleng lumutang sa dagat o anurin sa mga baybayin.
Pinayuhan din ng PHILSA ang mga residente sa Cagayan at Ilocos Norte na iwasang hawakan ang mga bahagi ng rocket sakaling makitang bumagsak ang mga ito.