Hinikayat ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mga kasamahang kongresista na imbestigahan ang nangyaring malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Cagayan at Isabela.
Ayon kay Velasco, layunin nitong makakalap ng mga impormasyon at makabuo ng pangmatagalang solusyon upang maiwasan na ang mga pagkamatay at pagkalugi ng ekonomiya bunsod ng mga kalamidad.
Umaasa rin si Velasco na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay mapakikinggan ang panig ng bawat isa at malinaw na makita ang naging dahilan malawakang pagbaha sa Luzon.
Gayundin aniya ang makahanap ng mga paraan upang maipatupad ng maayos ang mga umiiral na protocols bago pa man tumama ang mga sakuna.
Dagdag ni Velasco, sisiyasatin din sa pagdinig ang naging sitwasyon Cagayan dahilan kaya mabilis na tumaas ang tubig baha sa lalawigan at ang naging pasiya ng National Irrigation Administration na magpakawala ng tubig mula sa dam.
Samantala, una na ring nagtakda ng pagdinig sa insidente ang Committee on Agriculture and Food ng House of Representatives ngayong araw.