Dapat na paimbestigahan ang mga posibleng dahilan ng matinding pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng Luzon para mahanapan ng solusyon at estratehiya para hindi na ito maulit muli.
Ito ang inihayag ni Senador Bong Revilla Jr., makaraang ihain ang senate bill #570 na nanawagang imbestigahan ng senado ang naganap na malawakang pagbaha sa Luzon.
Sa resolusyon ni Revilla nakasaad ang report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sa nakaraang 3 linggo, 5 severe weather disturbances ang nakaapekto sa mababang bahagi ng luzon na siyang nagpataas ng antas ng tubig sa iba’t-ibang dam sa bansa
Ayon kay Revilla, batid naman na kada taon ay dumarating ang mga pag-uulan at kailangang magpakawala ng tubig ng mga dam kaya dapat daw mayroon nang imprastruktura para may dadaluyan o sasalo ng tubig upang maiwasan ang mga pagbaha.
Dahil sa mga bagyo at baha, tinukoy ni Revilla ang report ng NDRRMC na nasa halos 429,000 na pamilya o 1.7 milyong mga indibidwal ang nawalan ng tirahan sa 4,543 na Barangay sa regions 1, 2, 3, 5, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region at dito sa National Capital Region.— ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19)