Iaapela ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cebu City ang naging pasiya ng national government na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod hanggang Hunyo 30.
Ayon kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, ang pagtaas ng naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod ay bunsod ng kanilang puspusang pagsasagawa ng mass testing.
Aniya, hindi sila titigil sa pagsasagawa ng COVID-19 test kahit na mas tumaas pa ang bilang ng mga magpopositibo.
Sinabi ni Labella, magmula noong Marso pumapalo na sa 25,000 ang bilang ng mga residente ng Cebu City na naisalang sa COVID-19 test.
3,434 sa mga ito ang kumpirmadong nagpositibo kung saan higit 50% o katumbas ng 1,858 ang nakarekober na sa sakit.
Iginiit ni Labella, kinakailangang maibalik sa general community quarantine (GCQ) ang Cebu City para hindi magdusa ang mga negosyo.