Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang hirit na ibalik ang number coding scheme at truck ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito’y matapos ang ginawang panawagan ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na ibalik ang coding at truck ban para mabawasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko dahil sa maraming volume ng sasakyan lalo na ngayong holiday season.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, kailangan pag-aralan muna ang naturang mungkahi dahil sa sitwasyon ngayong pandemya.
Gaya kasi umano ng coding sinuspinde ito dahil hindi normal ang operasyon ng pampublikong transportasyon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Isasaalang-alang din aniya ang mga exemption sa mga pampribadong sasakyan na ang sakay ay mga medical frontliners o essential workers.