Layon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maka-graduate o makabangon na mula sa kahirapan ang mga Pilipinong tumatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Sa kanyang mensahe para sa pagsalubong ng 2024, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi binuburo ng epektibong ayuda ang mga tao sa kahirapan.
Noong December 22, 2023, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang poverty rate sa bansa ng 22.4% para sa first half ng 2023, mula 23.7% para sa kaparehong panahon noong 2021.
Mayroong iba’t ibang programa ang pamahalaan na tumutulong sa mga mahihirap na kababayan natin. Kabilang sa mga ito ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ang TUPAD program ay isang community-based package of assistance na nagbibigay ng emergency employment para displaced workers o mga nawalan ng trabaho. Kasama rin sa beneficiaries ang underemployed at seasonal workers.
Tinukoy rin ng Pangulo ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Isa itong serbisyo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng tulong medikal, edukasyon, pagkain, transportasyon, o pinansyal para sa nangangailangan.
Target naman ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health (DOH) na makapagbigay ng medical at financial assistance para sa mga pasyenteng nais magpa-consult, rehabilitate, exam, o confine sa government hospitals.
Mayroon ding free education at scholarship programs ang pamahalaan. Inihahanda nito ang mga mag-aaral para sa kanilang kinabukasan at makapag-aahon sa kanilang pamilya mula sa kahirapan.
Bukod sa mga ito, ipinatupad din ng administrasyon ang Food Stamp Program. Upang manatili sa Food Stamp Program, kinakailangang mag-enroll ang beneficiaries nito sa job-generating programs ng DOLE at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at magbigay ng certificate bilang patunay na naghahanap sila ng trabaho.
Ayon sa Pangulo, ang tamang konsepto ng ayuda ay pantawid lamang, hindi permanente at palagian. Ika nga niya, “we do not promote a life of dependency.”
Sa kabila nito, tiniyak pa rin ni Pangulong Marcos na patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo upang umunlad ang buhay ng bawat Pilipino sa bagong taon.