Dapat suportahan ng sambayanang Filipino ang national at local government upang ibangon ang Marawi City matapos ang limang buwang sagupaan ng militar at Maute-ISIS.
Ayon kay Marawi Mayor Majul Usman Gandamra, hindi lamang ang rehabilitasyon ng nasirang lungsod ang dapat tutukan kundi maging ang “social healing” lalo’t nagresulta na sa pagkakawatak-watak ng mga mamamayan ang digmaan.
Sa katunayan anya ay tinangkang mag-recruit ng mga Maute hanggang Metro Manila at karaniwan nilang hinikayat sumama sa Marawi ay mga kabataan sa pamamagitan ng pag-tuturo ng mga aral na taliwas sa Islam at pagbibigay ng buwang suweldo na hanggang 20,000 Pesos.
Dahil dito, nagtalaga ang city government ng mga religious leader para magsagawa ng counseling partikular sa mga kabataang Muslim upang matiyak na nananatiling matatag ang kanilang paniniwala sa tunay na itinuturo ng Islam.
Ipinunto ni Gandamra na mahalaga ang debriefings, psychosocial, cultural at religious programs sa mga evacuation center upang maibalik ang tiwala ng mga kabataan, Maranao at gobyerno sa isa’t isa.
—-