Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal kay Mark Taguba, ang Customs broker na sangkot sa pagpasok ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Pinagbigyan ni Judge Rainelda Estacio Montesa ang motion to defer arraignment ng kampo ni Taguba at inilipat sa a-bente tres ng buwang ito ang pagbasa ng sakdal.
Sa ilalim ng rules of court mayroong animnapung (60) araw para ituloy ang arraignment simula nang isampa ang kaso.
Nakaposas si Taguba at nakasuot ng bullet proof vest nang dumating ito sa Manila Regional RTC para sana sa kanyang arraignment kasama ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI bilang escort.
‘NBI pinagpapaliwanag’
Pinagpapaliwanag naman ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang National Bureau of Investigation o NBI kung bakit hindi nila inilipat sa Manila City Jail si Mark Taguba, ang aminadong Customs fixer na sangkot sa pagpasok ng mahigit 6 bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Sa show cause order na ipinadala ni Judge Reinelda Estacio-Montesa kay Menardo Cariaga, hepe ng NBI Custodial Center, pinagpapaliwanag ito kung bakit hindi sila dapat i-cite for contempt dahil sa pagsuway sa utos ng hukuman.
February 2 nang ipag-utos ni Montesa ang paglipat kay Taguba sa Manila City Jail, makaraang ibasura nito ang mosyon ng akusado na manatili sa kustodiya ng NBI dahil sa kawalan ng merito.
Bagamat mayroon pang apela ang kampo ni Taguba, hindi na binago ni Judge Montesa ang pagpapalipat kay Taguba.
—-