Inaantabayanan na ngayong araw kung matutuloy o hindi ang nakatakda sanang pagbasa ng sakdal laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating PNP- Special Action Force o SAF Director Getulio Napeñas.
Kaugnay ito sa mga kasong katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan na isinampa laban kina Aquino at Napeñas ukol sa malagim na Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 na SAF commandos halos tatlong taon na ang nakalilipas.
Bagama’t ngayong araw nakatakdang basahan ng sakdal ang dalawang dating opisyal, posibleng maunsyami ito bunsod ng inihaing motion to quash ng kampo ng dating Pangulo noong Enero 4.
Magugunitang inihain ng Ombudsman ang mga naturang kaso laban kina Aquino at Napeñas gayundin kay dating PNP Chief Alan Purisima noong Nobyembre na umani ng kaliwa’t kanang puna at batikos dahil sa hindi akma ang kasong isinampa laban sa mga nabanggit.
—-