Muling ipinagpaliban ng Baybay City RTC o Regional Trial Court branch 14 sa Leyte ang pagbasa ng sakdal laban sa dating hepe ng CIDG Region 8 na si Supt. Marvin Marcos at mga kapwa niya akusado.
Kaugnay ito sa kasong pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa gayundin sa kapwa inmate nito sa Leyte Sub Provincial Jail na si Raul Yap nuong Nobyembre ng isang taon.
Ayon kay Baybay City RTC branch 14 Judge Carlos Arguelles, kaniyang ini-urong sa Hunyo 5 ang pagbasa ng sakdal kay Marcos dahil hiniling ng kampo nito na mapagpasyahan muna ang inihain nilang petition for review sa DOJ o Department of Justice.
Layon ng nasabing petisyon na mabaligtad ang resolusyon ng prosecution panel na mayruong probable cause para kasuhan ng murder, malicious procurement of search warrant at perjury ang 19 na pulis at ang dating inmate na si Paul Oledan.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo