Ipinagpaliban ng Quezon City Metropolitan Trial Court ang pagbasa ng sakdal ni dating Senador Antonio Trillanes IV para sa kasong conspiracy to commit sedition.
Ito ay matapos namang maghain ng kampo ni Trillanes ng motion to quash sa kinahaharap nitong kaso.
Ayon kay Atty. Rey Robles, Abogado ni Trillanes, ni-reset ng korte ang nakatakda sanang arraignment ng dating senador kahapon habang nananatiling nakabinbin ang mosyon nito.
Sinabi ni Robles, sumama si Trillanes sa inihaing motion to quash ng kapwa akusado nitong si Joselito Saracho kung saan iginiit nitong hindi balido ang isinampang kaso laban sa kanila.
Si Trillanes, Saracho at 9 na iba pa ay kinasuhan dahil sa umano’y binuo nilang kasunduan para iugnay si Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa iligal na droga bilang bahagi ng planong pagpapabagsak sa administrasyon.
Nag-ugat ang kaso sa salaysay ni Peter Joemel Advincula alias ‘bikoy’ na nagpakilalang tagapag-kuwento ng “ang totoong narcolist video”.