Isinulong muli ng isang kongresista ang pagtanggal ng Comprehensive Driver’s Education (CDE) requirement sa renewal ng driver’s license.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, inihayag ni deputy speaker at Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na walang probisyon sa Republic Act 10930 na nagsasaad na ang naturang sertipikasyon ay kailangan para mag-renew ng lisensiya.
Iginiit naman ni LTO Chief Edgar Galvante na alinsunod ang memorandum sa Section 23-a ng naturang batas na nagsasabing maaaring gumawa ang LTO ng mga alintuntunin sa pag-isyu ng lisensya para matiyak na matitinong driver lamang ang magkakaroon nito.
Samantala, binigyan naman ng pitong araw ang LTO para magsumite ng position paper sa kumite. —sa panulat ni Mara Valle