Binuweltahan ni Albay 2nd District Cong. Joey Salceda ang Department of Health (DOH) matapos ibasura ang mungkahi nya na i-lock down na ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Salceda, hindi nya maintindihan kung ano pa o kung gaano pa karaming kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang inaantay ng DOH bago irekomenda ang lockdown ng NCR.
Sinabi ng DOH na masyado pang premature para magpatupad ng lockdown sa NCR.
Dapat anyang maging leksyon sa Pilipinas ang mga nangyari sa ibang mga lugar na hindi agad nagpatupad ng lockdown.
Wala naman tayong magagawa, talagang papasok ‘yan, e, di, harapin na natin. Gawin mo, para hind imaging viral –hindi ‘yung viral, kaya gagawin mo. ‘Yung virus ba ang magdedecide para sa atin? TIngnan mo kung ano ang ginawa ng virus sa isang country. Dahil nandito na rin ‘yan sa atin, ano ang pwedeng gawin natin? Gawin mo na ngayon. (…) Kung ang tawag nila ‘premature’, ang tawag ko ro’n –‘preemptive’,” ani Salceda.
Muling ibinabala ni Salceda ang mas malaking epekto sa ekonomiya ng bansa kung lalaganap ang COVID-19 sa NCR.
Batay anya sa kanyang pag-aaral, maapektuhan ng 4.8% ang gross domestic product (GDP) ng Metro Manila at mahigit sa 1% ang isang buong taong GDP ng bansa kapag nagpatupad ng lockdown.
Gayunman, posible anyang madoble ito kapag hindi agad naisara sa iba pang mga lugar ang NCR.
Unang-una, nandito lahat ng kaso ng COVID-19, ang pananaw ko, kung sinuspinde ang klase at uuwi ng probinsya ang higit 400,000 estudyante, parang pinarami mo lang ang posibilidad ng transimission ng COVID-19,” ani Salceda. —sa panayam ng Ratsada Balita