Nakatakdang maghain ng Motion for Reconsideration ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng drug case ni Julian Ongpin, matapos itong ibasura ng korte sa La Union.
Ayon kay PNP Chief P/Ltg. Dionardo Carlos, inatasan na niya ang La Union Provincial Police Office para makipag-ugnayan sa La Union Prosecutor’s Office para sa ihahaing Motion for Reconsideration.
Pinaiimbestigahan na rin nito kay Ilocos Regional Police Office Director P/Bgen. Emmanual Peralta kung ano ang pagkakamaling nagawa ng kanilang mga pulis na naging batayan kung bakit nabasura ang kaso dahil sa technicality.
Sinasabing umabot sa 12 gramo ng coccaine ang nakuha sa kuwarto nina Ongpin at ang namatay nitong girlfriend at artist na si Bree Jonson sa isang resort sa San Juan, La Union.
Ngunit sa desisyon ni Judge Romeo Agacita Jr ng San Fernando, La Union RTC, nagkaroon umano ng kapabayaan sa panig ng mga pulis sa Chain of Custody ng mga nakumpiskang llegal drugs.
Hindi agad ito minarkahan sa lugar kung saan ito nakumpiska at ang mga sachet ng mga pinaniniwalaang illegal drugs ay hindi minarkahan ng isa-isa kundi pinagsama-sama ang mga ito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Hya Ludivico