Iginagalang ng Armed Forces of the Philipines o AFP ang desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court na ipawalang sala ang dalawang katutubong Aeta sa Zambales na kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism Law.
Sa inilabas na pahayag ng AFP, sinabi nitong tanggap nila ang ginawang pagpapalaya ng korte sa mga katutubong sina Jasper Gurung at Junior Ramos na inakusahang miyembro ng New People’s Army o NPA at kinasuhan dahil sa pagpatay sa isang sundalo.
Batay sa naging desisyon ng Korte, bigo ang mga taga-usig na patunayan ang kanilang akusasyon laban sa dalawang Aeta dahil paiba-iba ang binibitiwang pahayag ng mga Sundalo at testigo na nagdiriin sa kanila.
Gayunman, sinabi ng AFP na mananatili pa rin silang aktibo para papanagutin ang mga kriminal at kalaban ng estado na sangkot sa paghahasik ng karahasan at takot sa mga Pilipino.
Hindi matitinag ang Hukbong Sandatahan sa pagpapatupad ng batas na naglalayong protektahan at pangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino na naghahangad ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)