Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pagbasura ni U.S President Elect Donald Trump sa Trans-Pacific Partnership (TPP) agreement na inisyatibo ni U.S President Barack Obama.
Sa kanyang pre-departure speech sa NAIA Terminal 2 bago tumulak sa Cambodia para sa state visit, sinabi ng Pangulong Duterte na tiyak na magdudulot lamang ito ng malaking regional problem.
Ayon sa Pangulo, mabuti na rin na hindi nag-qualify ang Pilipinas sa TPP dahil hindi naman ganoon ka-modernisado ang bansa.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na kung napabilang man ang Pilipinas sa TPP, hindi na makapagbebenta ng generic medicine ang bansa, bagkus ay pawang branded at mamahaling gamot na lamang ang mabibili sa merkado.
Ang TPP ay isang trade agreement ng 12 bansa sa Pasipiko kabilang dito ang Australia, Brunei, Canada, Chile, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Peru, Singapore, Vietnam at U.S.
By: Meann Tanbio