Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na pansamantala nilang itinigil ang pagsisiyasat hinggil sa inihaing reklamo ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y kaugnay sa Milyun-Milyong Pisong halaga ng di umano’y tagong yaman ng Pangulo na hindi deklarado sa kaniyang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Ayon sa Ombudsman, Nobyembre 29 pa ng nakalipas na taon tinapos ang pagsisiyasat dahil bigo silang makuha ang kinakailangang dokumento mula sa AMLC o Anti Money Laundering Council.
Pero nilinaw ng Ombudsman, hindi nangangahulugang ibinasura na nito ang reklamo ni Trillanes laban sa Pangulo sa halip, ay ilalagay lamang nila iyon sa archive hanggang sa may makuha na ang kinakailangang ebidensya.
Pero binatikos naman ni Solicitor General Jose Calida si Ombudsman Conchita Carpio Morales dahil sa hindi nito pagpapaalam sa kanila hinggil sa naging resulta ng imbestigasyon.
Sagot naman ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, walang alam si Morales sa resulta ng imbestigasyon dahil nag-inhibit ito sa naturang kaso at wala itong obligasyon sa kahit kaninong partido na ipaalam ang naging resulta ng ginagawa nilang pagsisiyasat.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jill Resontoc
Posted by: Robert Eugenio